Limang bayan sa Camarines Norte ang napiling pilot area ng proyektong S&T Community-based Farm: A Techno Transfer Modality through Integrated Farming System of Queen Pineapple, Vegetables and Poultry Production in Camarines Norte. Ito ang mga bayan ng Daet, Labo, Jose Panganiban, Capalonga, at San Lorenzo Ruiz.

Ayon sa Project Leader na si Engr. Eula D. Rada, Science Research Specialist II ng Camarines Norte Lowland Rainfed Research Station (CNLRRS) ang naturang proyekto ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) – PCAARRD sa halagang P5M upang mapataas ang kita ng mga magtatanim ng pinya sa pamamagitan ng Integrated Farming System. Dagdag pa ni Engr. Rada, kabilang sa interventions sa mga magsasaka ang binhing pantanim (vegetable seeds), pineapple suckers, abono, plastic mulch at garden tools and equipment. Sumailalim din sa training on pineapple production ang mga benepisyaryo.

Itinuro ang optimized plant spacing na 100 cm x 50 cm x 30 cm para sa Pinyang Queen, fertilizer management base sa soil analysis at tamang panahon ng flower induction at fruit enhancement. Nagtanim din ng mga gulay tulad ng talong, kalabasa, pole sitao at pechay na madaling pagkakitaan habang hindi pa inaani ang pinya.

Isa si Cesar Dacillo ng San Lorenzo Ruiz sa mga benepisyaryo ng proyekto. Aniya, malaking tulong sa kanyang Pamilya ang itinanim niyang mga gulay tulad ng sitaw, talong, kamote at sili sa kanyang kalahating ektaryang bukid. “Dati pinya lang ang hinihinyat kung magbunga at saka konting kamote. Ngayon, halos umabot na sa 80 kilong talong ang naibenta ko sa merkado. Fluctuating ang presyo mula P60.00 hanggang P100.00 per kilo nitong Setyembre. Malaking dagdag sa aking kita ang proyektong ito.”

Ang benepisyaryong si Lilibeth Salen ay tuwang tuwa naman dahil umabot na sa mahigit 80 kilong siling haba ang naibenta niya sa pamilihang bayan. Bukod sa mga sili, talong, kamoteng kahoy, kamote at pinya, mayroon ding mga natural na manok na galing sa proyekto ang pinagkakakitaan ni Ginang Salen.

Malaki ang pasasalamat nila Dacillo at Salen sa Department of Agriculture dahil napakinabangan nila ang dati ay naka-tiwangwang na lupa at napatunayan nilang malaki ang kita sa integrated farming.

Tatagal ang proyekto hanggang Disyembre 2027 at aabot sa 25 na magsasaka ang magiging benepisyaryo. (Lovella P. Guarin)