Nakiisa ang mga kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa ika-125 na Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) Provincewide Celebration na ginanap noong ika-5 ng Setyembre ngayong taon sa Capitol Complex, Brgy. Cadlan, Pili, Camarines Sur.
Hudyat ito ng pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang ng Buwan ng Serbisyo Sibil ngayong Setyembre. Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Bawat Bayani, Lingkod Bayani: Puso Dangal at Galing Para sa Bayan.”
Tampok sa aktibidad ang Zumba, Banal na Misa, at programang naglalayon na kilalanin ang mahalagang papel at ambag ng mga lingkod bayan sa pagpapatibay ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Civil Service Commission (CSC) Camarines Sur Provincial Director Ma. Dolores D. Salud na ang pagiging isang lingkod bayan ay isang karangalan.
Aniya, “This is the privilege of the civil service. As civil servants, we have the privilege of sharing our thoughts with others, of making a difference in people’s lives, and of leaving a lasting impact on our society… The privilege of public service is never just about holding public office or having a title. It’s about everyday actions we take to make a difference… The privilege of civil service is knowing and being part of a collective action to achieve a better society. Mas marami pa rin po sa atin ang tapat at ginagawa ang dapat.”
Ipinaabot naman ni Camarines Sur Vice-Governor Salvio Patrick F. Fortuno Jr. ang mensahe ni Camarines Sur Governor Luis Raymund F. Villafuerte Jr. kung saan pinasalamatan niya ang mga kawani ng pamahalaan. Siniguro din niya ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan upang isulong at ingatan ang integridad ng serbisyo sibil.
Pinaalalahanan naman ni CSC Regional Director Atty. Daisy P. Bragais ang mga dumalo na ang serbisyo sibil ay higit sa pagkakaroon ng trabaho o posisyon sa pamahalaan. Hinikayat din niya ang mga kawani na pagnilayan kung paano maglingkod ng may puso, dangal, at galing.
“Public service goes beyond holding a job or a title—a calling that requires us to serve with compassion, to act with honor, and deliver with excellence,” aniya.
Kabilang sa iba pang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Buwan ng Serbisyo Sibil ang “Dugtong Buhay, Handog Ng Lingkod Bayan” bloodletting activity sa Bicol Medical Center noong ika-3 ng Setyembre sa Bicol Medical Center, Civil Service Fun Run noong ika-7 ng Setyembre sa Kapitolyo ng Camarines Sur, at Tree-Growing Activity sa Brgy. Pacol, siyudad ng Naga noong ika-9 ng Setyembre.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Serbisyo Sibil ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1050, series of 1997 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5
Kuhang larawan ni: Hermito Antonio T. Privaldos
