Sumali sa Citizens Monitoring Tool (CMT) training ang mga benepisyaryo ng isinasagawang proyekto ng Philippine Rural Development Project (PRDP) sa Milagros, Masbate. Ito ang Concreting of Magsalangi Farm-to-Market Road na may habang 6-kilometro na may pondong P178.1 M.
Ayon kay Jessalyn Alipin, Brgy. Kagawad sa Magsalangi, malaking tulong ang CMT dahil nalaman nila na kailangan i-monitor ang ginagawang proyekto upang masiguro ang progreso at masigurong nasa ayos ang implementasyon ng proyekto.
Ang CMT ay binubuo ng mga kinatawan mula sa komunidad, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor. Sila ang nagsisilbing mata at tainga ng pamayanan sa pagsubaybay sa mga proyekto ng PRDP, mula sa pagsisimula hanggang sa pagkumpleto.
Sa pagsasagawa ng CMT, tinutulungan ang benepisyaryo na makabuo ng Monitoring Team o Barangay Implementation Team (BIT) at action plan para sa epektibong pagpapatupad at pagpapatakbo ng proyekto.
Ang mga miyembro ay sumasailalim sa pagsasanay sa project monitoring, transparency and accountability, at community feedback mechanisms. Sa pamamagitan nito, nagiging bukas at malinaw ang proseso, at mas natitiyak ang kalidad at integridad ng mga proyektong inilalatag sa mga rural na lugar.
Ayon kay Michelle Sapalaran, PRDP Bicol Monitoring and Evaluation Learning (MEL) Officer ang tamang pagmomonitor ay may kaakibat na documentation. “Mahalaga ang papel ng mamamayan bilang katuwang sa pagbabantay at pagsusuri ng mga proyekto upang matiyak na ang bawat pondo ay nagagamit nang tama at may direktang benepisyo sa komunidad”, dagdag pa niya.
Ayon din kay Jessica Madrilejos, MPMIU Head ng Milagros, mahalagang maunawaan ng mga taga-Magsalangui ang mga kinakailangan sa pagsubaybay sa proyekto upang matiyak ang ganap na pagkumpleto nito. Binigyang-diin niya na hindi nangangahulugang kapag natapos na ang proyekto ay tapos na rin ang pagsubaybay dito, bagkus, mahalagang ipagpatuloy ang monitoring upang masigurong napapanatili ang kalidad at layunin ng proyekto sa paglipas ng panahon. (Shaira Enimedez, PRDP Bicol InfoACE)
