SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR — Mahigit 100 na pet owners kasama ang kanilang mga alagang aso at pusa ang lumahok sa isinagawang Fun Walk, Veterinary Mission, Editorial Cartooning at Poster Making sa pagdiriwang ng Animal Welfare Week sa DA Bicol compound. Lumahok din ang mga kinatawan ng LGU Pili, Philippine National Police (PNP), AFP 9th ID, Rural Health Units, NGOs, at DepEd.
Isinagawa ang kick off activity nitong ika-2 ng Oktubre sa pangunguna ng DA RFO 5 Regulatory Division at Rodeo Club CBSUA Chapter. Ang Animal Welfare Week ay ipinagdiriwang mula Oktubre 1-10 at ngayong taon ay may temang “Strenghtehing Information, Empowering Action: Advancing Anima Welfare Through Awareness and Enforcement”
Layunin ng selebrayon na isulong ang responsableng pag-aalaga ng hayop. Nakatanggap ang mga kalahok ng mga papremyo at freebies mula sa mga feed companies katulad ng TopBreed, Asvet, Inc., Yumyum (UNAHCO), Champ, Lucy Catfood, Boeringer Ingelheim, Goldstar Agri Inc., at Nutribon.
Nagsagawa rin ng veterinary mission ang mga beterinaryo ng DA Regulatory Division, CBSUA, PVMA, at iba’t ibang veterinary clinics upang magkaloob ng libreng serbisyo tulad ng check-up ng alagang hayop, bakuna laban sa rabies, vitamins, at deworming.
Ang Poster Making at Editorial Cartooning Contest naman ay nilahukan ng mga mag-aaral sa secondary education.
Sa Editorial Cartooning Contest, itinanghal na Kampeon si Wilford M. Tud ng Computer Science High School of Bicolandia. Nakamit ni Mark Dariel Tagomata Palmes ng Binobong National High School ang Unang Puwesto, habang si Angelica M. Azuela ng San Jose National High School naman ang nakuha ang Ikalawang Puwesto.
Samantala, sa Poster Making Contest, si Maria Leerisha Nicole D. Lumbria ng Camarines Sur National High School ang nagwagi bilang Kampeon. Nanalo ng Unang Puwesto si Jefferson S. Asares ng Bikol High School for the Arts and Culture, habang pumatak naman sa Ikalawang Puwesto si Nolan Chris B. Tuonan ng San Jose National High School. (RAFIS)
