SAN AGUSTIN, PILI, CAM. SUR — Kaugnay ng layuning mapalakas ang kapasidad ng mga kooperatiba at institusyon ng pananaliksik sa paggawa ng organikong pataba, nagsagawa ng turnover ng technology package on composting facility for biodegradable wastes ang DA Bureau of Soils and Water Management (DA BSWM) nitong ika-12 ng Agosto ngayong taon.

Sa nasabing aktibidad, 15 Farmers’ Cooperative and Associations (FCA) mula sa Camarines Sur, kabilang ang DA RFO 5 Research Division at Central Bicol Experiment Station (CBES), ang tumanggap ng nasabing technology package na kanilang magagamit hindi lamang sa pagpapaunlad ng produksyon ng kanilang mga sakahan, kundi pati sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.

Kabilang sa mga nakatanggap ang mga sumusunod na FCAs: Lupi Corn Farmers Association; Bicol Federation of Dairy Cooperative-1; Tagbong Farmers Association; Sto. Niño Multi-purpose Cooperative; Pilinio Federation of High Value Crops Inc.; Del Rosario Block Farmers Association; Caanduyog Agriculture Cooperative; Bicol Federation of Dairy Cooperative-2; San Roque Sagumay Farmers Agriculture Cooperative; Ayugan Zone 3 Irrigators Association Inc.; Local Government Unit of Del Gallego-1; Local Government Unit of Del Gallego-2; Danawin Agrarian Reform Cooperative; Del Gallego Coconut Farmers Agriculture Cooperative; at Ragay Coco Skwala Turismo Kabuhayan Agriculture Cooperative.

Ayon kay Larry Berin, Vice Chairman ng Caanduyog Agriculture Cooperative, “Malaki ang maitutulong sa amin nito dahil kami ay nag-o-organic, at the same time ‘yong magiging sobra namin dito sa product na ito ay puwede naming ibenta para sa aming kooperatiba kaya kami ay nagpapasalamat sa DA BSWM.”

Bago ang pamamahagi, nagkaroon ng training at demonstration sa wastong paggamit ang mga benepisyaryo upang matiyak na tama at epektibo ang kanilang pag-operate ng mga naturang composting facility.

Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng isang shredder na nagkakahalagang ₱244,930 at isang rotary composter na nagkakahalagang ₱454,870. Sa kabuuan, ang bawat package ay may halagang ₱699,800.

Umabot naman sa mahigit ₱11.8M ang pangkalahatang halaga ng ipinamahaging technology package sa probinsya.

Ulat ni: Emie Jane Malonzo, DA RAFIS 5
Kuhang larawan ni: Zandra Abogado, DA RAFIS 5