SORSOGON CITY — Bilang suporta sa layuning isulong ang masustansyang pagkain at pangmatagalang produksiyon nito sa mga komunidad at paaralan, namahagi ang Department of Agriculture (DA) Bicol ng Gulayan Packages na nagkakahalaga ng ₱801,357.00 noong ika-11 ng Hulyo 2025, sa Sorsogon Dairy Production and Technology Center sa Cabid-An, lungsod ng Sorsogon.

Saklaw ng pamamahagi ang 40 paaralan sa ilalim ng Gulayan sa Paaralan Program (GPP) at limang barangay sa ilalim ng Gulayan sa Barangay (GSB). Ang bawat package ay naglalaman ng mga kagamitang panghalaman at iba’t ibang uri ng buto ng gulay. Bawat paaralan sa ilalim ng GPP ay nakatanggap ng package na nagkakahalaga ng ₱11,309.80, habang ₱69,793.00 naman ang halaga ng bawat package para sa mga barangay na kabilang sa GSB. Ito ay kaugnay ng layunin ng programa na palakasin ang pagtatatag at pagpapalawak ng mga lokal na hardin sa probinsya ng Sorsogon.

Sa nagpapatuloy na inisyatibang ito, hinihikayat ng DA Bicol ang lahat ng benepisyaryo na ipagpatuloy ang mga aktibidad sa gulayan upang lubos na mapakinabangan ang mga ipinamahaging kagamitan para sa mas masustansya, ligtas, at tuloy-tuloy na pagkukunan ng pagkain sa mga paaralan at pamayanan.

Ulat ni: Emie Jane Malonzo, DA RAFIS 5

Kuhang larawan ni: Ramon Adversario, Jr. DA RAFIS 5