PILI, CAMARINES SUR – Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mga makabagong pananaliksik sa sektor ng agrikultura, isinagawa ng Research Division ang 2026 DA RFO 5 Pre In-House Review sa Lanuza Hall, DA RF O 5 Compound nitong Hulyo 22, 2026

Sa pangunguna ni RTD for Research and Regulations Lorenzo L. Alvina at Research Division Chief Dr. Maria Christina F. Campita, ang taunang pagsusuri na ito ay naglalayong paghusayin ang mga natapos at kasalukuyang isinasagawang pananaliksik ng mga researchers ng DA RFO 5 bago ito isumite sa mas mataas na antas ng kompetisyon at maisulong para sa teknolohiya at programang makatutulong sa mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.

Binubuo ng dalawang kategorya – ang “completed research projects” at ang mga “on-going research projects”. Bawat proyekto ay masusing sinuri ng mga evaluator at binigyan ng mga rekomendasyon batay sa kahalagahan nito, metodolohiya, antas ng inobasyon, at potensyal na ambag sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon.

Kabilang sa mga completed researches na inilahad ang pag-aaral sa organic farming practices ng mga Indigenous Cultural Communities sa Bicol, pagbuo ng organic production technologies para sa Queen Pineapple, paggamit ng drone technology sa produksyon ng palay sa ilalim ng Drones4Rice Project, paggamit ng alternatibong pakain para sa native chicken production, produksyon ng black soldier fly frass, market assessment ng Queen Pineapple-based food products, at technology transfer ng white oyster mushroom-based products sa Sorsogon City.

Samantala, tampok naman sa mga on-going researches ang pag-aaral sa cassava production, export protocol para sa pili nut patungong European Union, paggamit ng Monitoring, Evaluation and Learning (MEL) tool para sa agricultural development projects, nutrient omission plot technique sa palay, pagpapalawak ng climate-resilient rice varieties, integrated farming system para sa Queen Pineapple, gulay at manok, at pagbuo ng site-specific nutrient management prototype para sa Queen Pineapple sa Bicol Region.

Kabilang sa mga evaluators ay sina Dr. Lester M. Narvaez, Gina C. Nuñez; Claudia Esmeralda C. Honrado; Mary Ann R. Cuya, Roy R. Boten, Amabel N. Bombase, Joseph O. Sarmientom, Maricris R. Buban at Dr. Alvin J. Milan.

Isinulat ni: Bettina Andrea B. Bordon; Mga kuhang larawan nina: Angela Mae P. Lafuente at Marvin Clavero