Aktibong nakilahok sa mga talakayan ang 600 na mga magsasaka, mangingisda mula sa 16 na rehiyon sa buong Pilipinas. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Saemaul Undong Movement ng South Korea kung saan hinikayat ni Lev Nikko M. Macalintal, Agriculture Attaché sa Philippine Agriculture Office sa Seoul, South Korea ang mga kalahok na tularan ang mga mahuhusay na kasanayan na naging susi sa tagumpay ng Saemaul Undong. Binigyang-diin rin niya ang mga prinsipyo nito na pagtulong sa sarili, kasipagan, at pagtutulungan.

Kabilang din sa nagbahagi ang New Hope Precision Agriculture Corp. hinggil sa mga benepisyo ng paggamit ng agricultural drones.

Tinalakay naman ni Jose Romeo B. Ebron, Chief Executive Officer ng AgriCOOPh Federation, ang itinuturing nilang haligi sa pagpapalakas ng sektor ng agri-coop pati na rin ang kanilang karanasan at estratehiya sa pamamahala ng Davao Food Terminal Complex (DFTC).

Nagbukas naman ng oportunidad sa pakikipagsosyo ang Charoen Pokphand Foods (CPF) Philippines Corp., isang kumpanya sa Asya Pasipiko na namimili at nagpoproseso ng yellow corn, kamoteng-kahoy, manok, hipon, at baboy. Ibinahagi ni Ian D. Bernardino, Deputy Department Manager-Raw Material Purchasing ng CPF Philippines Corp. ang mga kinakailangan upang maging kuwalipikadong supplier ng mga nabanggit na produkto.

Ibinida rin nina Roy Nelson Ramos, Chairperson ng Lagonoy Calamansi at Joan R. Javier ang kuwento ng tagumpay ng Lagonoy Calamansi Farmers Agri-Coop sa Lagonoy, Camarines Sur at San Agustin-San Ramon Agrarian Reform Farmers Cooperative (SARFC) sa Bula, Camarines Sur katuwang ang F2C2 Program.

Nakasentro naman sa Export Markets of Philippine Agrifood Products ang paksa ni Kalene Ann M. Ebora, Senior Trade Development Specialist ng Department of Trade and Industry Export Marketing Bureau. Ayon kay Ebora, 9.74% ng kabuuang export ng Pilipinas ay mga pagkain at produktong pang-agrikultura. Pangunahing destinasyon ang U.S., Japan, China, The Netherlands at Malaysia. Nasaksihan din ng mga kalahok ang ilang mga kuwento ng tagumpay ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5

Kuhang-larawan ni: Hermito Antonio T. Privaldos at Ramon C. Adversario, DA RAFIS 5