DARAGA, ALBAY —Isinagawa ang Animal Biosecurity Champion Training (ABTC) at Biosecurity Scoring Training para sa mga magbababoy sa bayan ng Daraga, sa pakikipagtulungan ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO UN), Bureau of Animal Industry (BAI), Department of Agriculture–Regional Field Office V (DA-RFO 5), at lokal na pamahalaan ng Daraga, Albay.

Kabilang sa mga dumalo ang mga benepisyaryo ng Pig Dispersal Program ng Municipal Agriculture Services Office (MASO) ng Daraga. Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagpapatupad ng wastong biosecurity upang maprotektahan ang kanilang mga alagang baboy laban sa African Swine Fever o ASF at iba pang nakahahawang sakit.

Tinalakay sa Animal Biosecurity Champions Training, ang mga pangunahing prinsipyo ng biosecurity, kabilang ang pagkontrol sa pagpasok ng tao, hayop, sasakyan, kagamitan, pakain, at iba pang maaaring pagmulan o tagapagdala ng sakit. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng regular na paglilinis at pagdidisimpekta, paggamit ng footbath, paghihiwalay o quarantine ng bagong dating at may sakit na hayop, wastong pagtatapon ng dumi at patay na hayop, at agarang pag-uulat ng anumang hindi pangkaraniwang pagkakasakit o pagkamatay ng baboy.

Tinalakay din ang kahalagahan ng maagang pagkilala sa mga palatandaan ng sakit at agarang pakikipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office kapag may hinihinalang kaso.

Bilang karagdagang suporta, namahagi rin ng biosecurity kits sa mga kalahok ang FAO upang matulungan silang maisagawa sa kanilang mga alagaan ang mga hakbang na tinalakay sa pagsasanay.

Mahalagang bahagi din ng aktibidad ang Biosecurity Scoring Training, kung saan tinuruan ang mga kalahok mula sa mga piling provincial/city veterinary Office kung paano sistematikong suriin ang antas ng biosecurity sa mga babuyan. Sa pamamagitan ng biosecurity assessment tool, natutukoy ng mga magbababoy ang mahuhusay nilang gawain, ang mga kahinaan ng kanilang pasilidad at pamamahala, at ang mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang panganib ng pagpasok at pagkalat ng sakit.

Binigyang-diin sa pagsasanay na ang biosecurity ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng bakod, footbath, o disinfectant. Ito ay isang tuloy-tuloy na sistema ng maingat at responsableng pamamahala mula sa pagbili at pag-aalaga ng baboy hanggang sa paggalaw, pagbebenta, at pag-uulat ng posibleng sakit. Ang bawat hakbang na naisasagawa nang tama ay mahalagang proteksiyon para sa kabuhayan ng magbababoy at sa buong industriya ng paghahayupan. ( Dr. Rona P. Bernales, Veterinarian IV, DARFO5)