NAGA CITY — Pormal nang binuksan ngayong ika-28 ng Enero 2026 sa Robinsons Place ang Bicol Natural and Organic Expo (BNOPE) 2026 kung saan tampok ang mga produktong agrikultura ng aabot sa 24 exhibitors. Ang tatlong-araw na regional exposition ay isinasagawa taun-taon upang palakasin ang sektor ng natural at organikong pagsasaka sa Bicol. Tatagal ang expo hanggang Enero 30, 2026.
Lumahok sa expo ang 13 MSMEs, 9 Farmers’ and Cooperative Associations (FCAs), Eco-pure Cleaning Products Manufacturing – Young Farmers Challenge (YFC) awardee, CBSUA, ATI-LSA, at DA-Organic Agriculture Research and Development Center.
Sa keynote message ni Dir. Bernadette F. San Juan, National Director ng NOAP, na inihatid ni Dr. Maria Christina F. Campita, OAP Coordinator for Bicol, nanawagan siya na magkaisa ang pamahalaan, pribadong sektor, at mga magsasaka upang maisulong ang makakalikasan, sustenable, at kumikitang agrikultura. Aniya, patuloy ang suporta ng OA Program sa mga organic practitioners at may interbensyon ang programa, kabilang ang mga livelihood project na maaaring umabot hanggang ₱5 milyon ngayong 2026.
Ayon naman kay Regina V. Melchor, Pangulo ng CSCCI, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang maisulong ang kaunlaran sa rehiyon. “Ang BNOPE ay mahalagang plataporma upang mapalakas ang ugnayan ng mga lokal na prodyuser, negosyante, at mamimili, mapataas ang market visibility ng mga produktong organiko, at makalikha ng mga oportunidad para sa kolaborasyon at palitan ng kaalaman. “
Samantala, sa mensahe ni Regional Executive Director Rodel P. Tornilla na ibinahagi ni Engr. Louie Baltazar, OIC Chief ng AMAD, hinikayat niya ang publiko na tangkilikin ang mga produktong organiko bilang puhunan sa kalusugan at mahabang buhay, hindi lamang para sa kapakinabangan ng mga magsasaka kundi pati ng mga mamimili.
May temang “Amplifying Networks, Nurturing Innovation, and Economic Breakthroughs,” pinangunahan ang aktibidad ng Camarines Sur Chamber of Commerce and Industry (CSCCI) katuwang ang DA Bicol – Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) bilang pagsuporta sa Republic Act No. 11511, na nag-amyenda sa Organic Agriculture Act of 2010. (Isinulat ni: Bettina Andrea B. Bordon – RAFIS 5; Mga kuhang larawan ni: Raymond Adversario)
