Tinalakay ng iba’t ibang attached agencies at banner programs ng Department of Agriculture (DA) Bicol ang mga programang maaaring mapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda sa una at ikalawang araw ng Regional F2C2 Convergence Summit sa Robinsons Naga simula ika-26 ng Hulyo 2025.

Pinangunahan ng Rice Program, High Value Crops Development Program, Corn and Cassava Program, at ng Regional Agricultural Engineering Division ng DA Bicol ang pagtalakay sa mga interbensyon at suporta ng DA para sa mga magsasaka.

Tinalakay naman ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang proseso kung paano makakakuha ng Kadiwa grant. Inilahad din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang Rice-Fish Farming program, habang ipinaliwanag ng Agriculture Credit Policy Council (ACPC) ang AgriNegosyo loan program kung saan maaring maka-utang ng hanggang P15M ang mga asosasyon at hanggang P300,000 naman ang RSBSA-registered na magsasaka/mangingisda.

Tinalakay naman ng Agricultural Training Institute (ATI) ang mga libreng trainings at seminars; at ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) naman ay naglatag ng mga suportang makinarya at mekanisasyon para sa mga magsasaka.

Samantala, nagbigay ng impormasyon ang Cooperative Development Authority (CDA) hinggil sa pagpapatibay ng mga asosasyon at kooperatiba. Ipinakita rin ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ang kanilang mga inisyatibo at pakikipagtulungan sa iba’t ibang organisasyon para sa ika-uunlad ng sektor ng agrikultura.

Sa huli, tampok din sa aktibidad ang pagpapakita ng mga makabagong kagamitang pansaka mula sa iba’t ibang kumpanyang gumagawa ng agricultural machineries. (Vincent Emil Pasumbal)