Upang mas mapataas ang kita sa pagsasaka at maipakita ang mga teknolohiyang akma tuwing off-season ng pagtatanim ng gulay, isinagawa ang Seed Derby at Farmers’ Field Day sa 2-ektaryang taniman ng Agripreneurs Farmers Producers Association, Inc. (AFPAI) sa Palangon, Libmanan, Camarines Sur nitong ika-12 ng Agosto.
Pinangunahan ito ng Municipal Agriculture Office ng Libmanan at sinuportahan ng DA – High Value Crops Development Program (HVCDP).
Mahigit 320 na magsasaka mula sa 12 munisipyo ng Pili, Magarao, Lupi, San Jose, Sipocot, Pasacao, Naga City, Pamplona, Del Gallego, Minalabac at Libmanan, Cam. Sur kasama at Basud, Cam. Norte ang dumalo.
Ayon kay Robert Buayaban, presidente ng AFPAI, ang kanilang asosasyon ay may 17-ektaryang plantasyon ng gulay sa naturang lugar, tulad ng kalabasa, sili, sitaw, ampalaya, okra at iba pa. Nagtatanim din sila ng mga prutas tulad ng pakwan, melon at mais.
“Ito po ay collaboration sa lahat ng farmers, stakeholders at mga (seed) company na nandito. Maraming nagtatanong kung what is the technique para dito, ito lang po ang pinakasimpleng technique “collaboration”. Simulan mo at tatapusin nila ganun lang pala yun. Isa pa po, ang pinaka sikreto lang po na ginagawa kailangan lang po i-connect ang science at technology, kung ano lang po ang napractice na natin na ginagawa i-connect lang po natin ang science at technology. Huwag lang po tayong tumigil sa ating ginagawa, huwag po tayong tumigil mag-aral.”
Lumahok din sa vegetable derby ang 16 na seed and chemical company na siyang nagbigay ng mga ginamit na buto sa simula ng taniman noong Mayo. Ipinakita din ang kani-kanilang teknolohiya at estratehiya sa pamamahala ng pananim na angkop sa kondisyon ng off-season.
Tampok sa derby ang iba’t ibang lowland vegetables tulad ng kalabasa, sili, sitaw, ampalaya, okra at mga prutas tulad ng pakwan, melon at mais, na nagsilbing halimbawa ng mga pananim na siguradong magbigay ng mas mataas na kita sa mga magsasaka.
Nagkaroon din ng talakayan, at palitan ng kaalaman ang mga magsasakana makakatulong para sa mas matagumpay at sustenableng pagtatanim sa anumang panahon.
Ulat ni: Angela Mae Lafuente, RAFIS 5 Kuhang larawan nina: Ramon Adversario, Jr. (RAFIS 5), Dr. Irma Intia at Robert Buayaban
