Sa isang simpleng communal garden sa Barangay Kararayan, Tiwi, Albay, unti-unting nabubuo ang isang kuwento ng pagtutulungan, pagkain, at dagdag na kabuhayan para sa mga miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) of Tiwi.
Pinangungunahan ni Sonia Cusillio, Federated President ng RIC Tiwi, ang 25 miyembro ng samahan na sama-samang nagtatanim ng mga gulay at root crops, nagsasagawa ng feeding program, at naghahanap ng iba pang paraan upang mapalago ang kanilang kabuhayan.
Nagsimula ang kanilang pagtatanim noong 2023. Mula sa dating humigit-kumulang 200 metro kuwadrado na taniman, napalawak nila ito sa mahigit 500 metro kuwadrado. Kabilang sa kanilang itinatanim ang sili, talong, okra, kamatis, kamote at kalabasa.
Malaking tulong sa kanilang produksyon ang mga binhi, garden tools, plastic drums at iba pang intervention na kanilang natanggap. Nakatulong din ang mga pagsasanay sa pagtatanim, paggawa ng organic fertilizer at food processing na nagbigay sa kanila ng dagdag na kaalaman sa pagpapatakbo ng kanilang communal garden.
Hindi lamang para sa pagbebenta ang kanilang mga ani. Ginagamit din ang mga gulay para sa feeding program ng grupo sa tatlong daycare centers sa kanilang lugar—sa Barangay Naga, Kararayan at Gajo.
Kapag may sapat na ani, ibinibigay din ito sa mga nangangailangan sa komunidad. Ang mga sobrang gulay naman ay ibinebenta upang magkaroon ng pondo ang grupo para sa patuloy na pagpapatakbo at pagpapaunlad ng kanilang hardin.
Para sa mga miyembro ng RIC Tiwi, ang communal garden ay hindi lamang lugar ng pagtatanim. Ito rin ay nagsisilbing paraan upang makatipid sa pagkain at magkaroon ng karagdagang kita.
“Kapag may sobra sa amin, ibinebenta namin. Ang kinikita namin ay ibinabalik din sa aming garden,” ayon kay Cusillio.
Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay. Isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng grupo ay ang kakulangan sa suplay ng tubig, lalo na kapag matindi ang init.
Dahil hindi regular ang dating ng tubig, gumagamit sila ng mga drum upang mag-imbak ng tubig at magamit ito sa mga pananim sa mga susunod na araw.
Sa halip na sumuko, naghanap sila ng praktikal na paraan upang maipagpatuloy ang kanilang pagtatanim.
Higit pa sa mga kagamitan at binhing natanggap ng grupo, ang kanilang pinakamahalagang puhunan ay ang pagkakaisa ng mga miyembro.
Regular silang nagtutulungan sa paglilinis, pagtatanim at pag-aalaga ng kanilang communal garden. Sa kabila ng pagod, nananatiling masaya ang kanilang pagsasama-sama.
Ang lupang ginagamit nila ngayon ay ipinagamit ng kanilang Municipal Agriculture Office department head na si Leto Claudio, dahil wala silang sariling lupang maaaring pagtamnan. Sa tulong ng lupang ito, nagkaroon sila ng lugar kung saan maaari nilang palaguin ang kanilang gulayan.
Hindi lamang sa gulayan umaasa ang RIC Tiwi. Nagsasagawa rin sila ng food processing bilang karagdagang pinagkukunan ng kita.
Isa sa kanilang balak na dagdag pagkakakkitaan ay ang meat processing gaya ng pagawa at pagbibenta ng longganisa. Ang kinikitain nila mula rito ay iiponin at ipandadagdag sa pangangailangan sa communal garden.
May plano rin ang grupo na higit pang paunlarin ang kanilang mga produkto mula sa mga ani. Nais nilang matutunan kung paano gawing processed products ang kalabasa at kamote, kabilang ang paggawa ng mga produktong maaaring ibenta tulad ng chips.
Sa simpleng communal garden ng RIC Tiwi, makikita kung paano maaaring magsimula ang pagbabago sa isang maliit na taniman.
Mula sa pagtatanim ng gulay para sa sariling pangangailangan, nakabuo ang grupo ng sistema kung saan ang ani ay nagsisilbing pagkain para sa komunidad, dagdag na kita para sa samahan, at puhunan para sa pagpapatuloy ng kanilang mga gawain.
Higit sa lahat, ipinakita ng RIC Tiwi na ang tagumpay sa agrikultura ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ani. Nakikita rin ito sa pagkakaisa ng mga magsasaka, sa pagtutulungan ng komunidad, at sa kakayahang gawing oportunidad ang mga hamon.
Sa kanilang patuloy na pag-aalaga sa hardin, dala ng RIC Tiwi ang isang simpleng hangarin: magkaroon ng sapat na kaalaman, dagdag na suporta at mga kasanayang makatutulong upang mas mapalago ang kanilang kabuhayan.
“Kailangan namin ng karagdagang training para madagdagan ang aming kaalaman at makatulong ito sa aming kabuhayan,” ani Cusillio.
At sa bawat binhing kanilang itinatanim, hindi lamang gulay ang kanilang pinapalago – kundi isang mas matatag na kinabukasan para sa kanilang mga miyembro at komunidad.
