Upang higit na mapabuti at mapabilis ang pag-uulat ng mga pinsalang dulot ng kalamidad sa sektor ng agrikultura, isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol ang Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS) Training Workshop sa lungsod ng Naga.
Dinaluhan ito ng mga Municipal Agriculturists/Agricultural Officers at Report Officers ng ika-apat at ika-limang distrito ng Camarines Sur.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng DRRMIS, isang makabagong web-based system na ginagamit ng mga DA operating units na magsisilbing central portal ng ahensya sa awtomatikong pagkolekta at pagbuo ng mga ulat kaugnay ng pinsalang natamo ng mga pananim, alagang hayop, kagamitan, at imprastrukturang pang-agrikultura.
Kabilang sa mga itinuro sa mga dumalo ang tamang pag-encode at pag-update ng mga datos sa Damage and Losses Assessment (DALA) forms at Data Capture Template, pati na rin ang proceso ng pag-upload ng mga ito sa system.
Ginabayan din ang mga kawani ng DA Bicol DRRM unit kung paano masusing suriin at beripikahin ang mga datos na nagmumula sa mga Local Government Units (LGUs).
Ang pagpapatupad ng paggamit ng DRRMIS ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 17, series of 2025 o “Guidelines on the Implementation of the DA DRRMIS”. Ayon sa nasabing patakaran, ang DA DRRMIS ang magsisilbing opisyal na batayan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pag-uulat kaugnay sa DRRM upang matiyak na ang mga impormasyon ay akma sa pamantayan, tumpak, at napapanahon para sa tamang pamamahagi ng mga ayuda mula sa ahensya.
Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5 Kuhang larawan nina: Annielyn L. Baleza at Ramon C. Adversario Jr., DA RAFIS 5
