LABO, Camarines Norte – Naging sentro ng makabuluhang dayalogo hinggil sa pagpapalawak ng oportunidad para sa mga organic farmers at practitioners ang pagbisita ng National Organic Agriculture Program (NOAP) team sa bayang ito para sa “OA Ang Sarap: Organic Food Guide Project” nitong ika-25 ng Mayo.
Malugod na tinanggap ni Labo Mayor Hon. Severino H. Francisco ang delegasyong binubuo nina Dale Russeth Gabanes at Pamela Reyes ng NOAP Promotions Department, Regional Organic Agriculture Program, Regional Agriculture and Fisheries Information Section, Labo Municipal Agriculture Office at Glorious Land Ecofarm na katuwang sa implementasyon ng nasabing proyekto.
Naging tampok sa talakayan ang pagpapalakas ng suporta para sa mga organic farmers, pagpapakilala ng mga lokal na organic products sa mas maraming mamimili, at ang kahalagahan ng mga inisyatibong nagbibigay-halaga sa ligtas, masustansya, at sustenableng produksyon ng pagkain.
Ayon kay Mayor Hon. Francisco, mahalaga ang ganitong mga proyekto upang matiyak na may ligtas at masustansyang pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
“Sa proyektong ito ng organic agriculture, nagbibigay tayo ng assurance na may ligtas at masustansyang pagkain na maihahain sa hapag ng bawat pamilya,” ani Francisco.
Nabanggit rin sa nasabing dayalogo ang mga proyekto at suporta ng Organic Agriculture Program upang higit pang mapalakas ang organic agriculture initiatives sa bayan.
Layunin ng “OA Ang Sarap: Organic Food Guide Project” na higit pang maipakilala ang iba’t ibang organic crops at produkto sa pamamagitan ng pagpapakita ng praktikal, malikhain, at makabuluhang paraan ng pagluluto gamit ang mga organikong sangkap at upang hikayatin ang publiko na bumili, magluto, at mgkonsumo ng organikong produkto.
Sa ilalim ng pamumuno ni Dir. Bernadette F. San Juan, CESO II, National Program Director ng NOAP, patuloy na isinusulong ng programa ang mga proyektong naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko sa organic agriculture habang binibigyang-daan ang mas maraming oportunidad para sa mga lokal na magsasaka at organic practitioners.
Sinulat ni: Ivan Geraldo
Kuhang larawan ni: Z.Abogado
