SAN AGUSTIN, PILI, CAMSUR − Sinimulan na ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol ang pamamahagi ng P2,325 na Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) ngayong araw.
Sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP), humigit kumulang 260,050 na mga magsasaka at mangingisda sa Bicol ang makakatanggap ng ayuda na naglalayong maibsan ang epektong dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng agrikultura.
Aabot sa 3,182 na mga magsasaka ng palay at mais mula sa Pili ang nakatanggap ng PAFF sa unang lingo ng pamamahagi nito sa opisina ng Department of Agriculture (DA) Bicol.
Isa sa mga maagang tumanggap ng kanyang ayuda si Edith O. Nazaria, 64 taong gulang, mula sa Brgy. Curry, Pili, Camarines Sur. Aniya, malaking tulong ang ibinigay na ayuda sa mga magsasakang lubhang apektado ng kasalukuyang krisis.
“Ire-reserve ko na po ito sa pagpa-tractor kasi malapit na mag-tag-ulan sa halip na gumastos galing pa sa sariling kayod, ito na ang pambayad ko sa pagpamakina ng taniman. Salamat po sa ating Pangulo at saka sa mga kasamahan na ibinaba ang amount na ito sa mga farmers. Hindi man inaasahan pero malaking bagay na merong ganitong mga tulong na galing sa ating government. Salamat President Marcos sa karagdagang ayuda,” ani Nazaria. (Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5)
