PILI, Camarines Sur (Marso 17, 2026)— Mas pinaigting ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa larangan ng agrikultura, pananaliksik, at edukasyon sa ginanap na NUAL-PH, NUASC-PH at DA RFO 5 Joint Symposium sa Bicol.
Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office V, katuwang ang Nagoya University Alumni Association–Philippine Branch (NUAL-PH) at ang Nagoya University Asian Satellite Campuses Institute (NUASC-PH), ang aktibidad na naglalayong magbukas ng mas maraming oportunidad para sa research collaboration at knowledge exchange.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 5 partikular na ang mga ROS Superintendents, Agricultural Training Institute, Bicol Agriculture and Fisheries Resources Research and Extension for Development Network (BAFRREDN), mga state universities and colleges (SUCs), at iba pang partner institutions. Kabilang din sa mga pangunahing tagapagsalita sina Dr. Neil H. Tan Gana, Pangulo ng Nagoya University Alumni Association–Philippine Branch; Dr. Mary Jean G. Bulatao ng NUASC-PH; Dr. Joy B. Banayo ng UPLB; at Dr. Joey A. Belarmino ng ATI-RTC 5.
Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Dr. Maria Christina Campita, Chief ng DA RFO 5 Research Division at alumna ng Nagoya University, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maayos at koordinadong sistema sa pananaliksik at development sa sektor ng agrikultura. Ayon sa kanya, mahalagang tiyaking ang mga resulta ng pananaliksik ay hindi lamang nananatili sa papel kundi naipapahatid at nagagamit ng mga magsasaka sa field.
Ipinaliwanag din ni Dr. Campita ang papel ng BAFRREDN bilang isang network na nag-uugnay sa iba’t ibang ahensya at institusyon upang maiwasan ang duplication ng mga proyekto at mapalakas ang kolaborasyon. Sa pamamagitan ng pag-aalign ng mga panukalang pananaliksik sa regional research agenda, inaasahang mas magiging epektibo ang pagtugon sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa Bicol.
Kabilang sa mga inilahad na oportunidad ang mga programang pang-edukasyon mula sa Nagoya University, partikular ang hybrid PhD program na nagbibigay-daan sa mga propesor at mananaliksik ng gobyerno na makapagtapos ng doctoral degree habang nananatili sa kanilang kasalukuyang posisyon.
Sa kabuuan, inaasahang magbubunga ang nasabing symposium ng mas matibay na kolaborasyon, mas pinahusay na kakayahan ng mga mananaliksik, at mas epektibong paghahatid ng teknolohiya at serbisyo sa sektor ng agrikultura sa Bicol.
Isinulat ni:Bettina Andrea B. Bordon — DA RAFIS 5
Mga kuhang larawan nina: Bettina Andrea B. Bordon at John Carlo C. Rivero
