PILI, CAMARINES SUR — “Habang tumataas ang demand sa pagkain, lalo na sa bigas, kailangan nating maghanap ng mas epektibong paraan ng produksyon. Isa sa nakikita naming malaking oportunidad ay ang paggamit ng drones.” Ito ang pahayag ni Engr. Carlito Balingbing ng International Rice Research Institute (IRRI) at program leader ng Drones4Rice sa katatapos na Drones4Rice: UAV Training for Crop Health Monitoring and Management.
Dagdag pa ni Engr. Balingbing, sa pamamagitan ng drones ay mas napapadali ang crop health monitoring, problem identification, at yield prediction. Nagagamit din ito sa pag-aaral ng agronomy, crop management, at maging sa rice breeding at phenomics. Sa kasalukuyan, isinasagawa rin ang iba’t ibang field testing tulad ng water level monitoring at precision pest and disease management.
Isinagawa ang pagsasanay sa DA Bicol, Central Bicol Experiment Station (CBES) compound nitong ika 23 – 27 ng Marso, at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa DA RFO 2, DA RFO 4A, International Rice Research Institute (IRRI), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Camarines Norte Lowland Rainfed Research Station (CNLRRS), Regional Crop Protection Center (RCPC), Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA), at Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA).
Layunin ng pagsasanay na palalimin ang kaalaman ng mga kalahok sa paggamit ng unmanned aerial vehicles (UAV) hindi lamang sa pagmomonitor ng kalagayan ng pananim kundi pati sa pagtukoy ng mga suliranin at pagpapataas ng ani. Sa unang araw ng pagsasanay, tinalakay ang mga pangunahing kaalaman sa paggamit ng drones, kabilang ang mga alituntunin sa aviation, safety protocols, at pagsunod sa regulasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Ipinakilala rin ang iba’t ibang aplikasyon ng UAV sa agrikultura, pananaliksik, at development. Bilang bahagi ng limang araw na pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa kombinasyon ng lectures, demonstrations, at aktwal na pagsasanay. Tinalakay din ang UAV platforms at sensor technologies, pre-flight planning, at hands-on simulator at drone operation. Itinuro ang tamang pag-set up ng drone, paggamit ng ground control points, at calibration principles upang matiyak na tumpak ang datang makukuha.
Ayon kay Leonard Andaya, project leader ng Drones4Rice, ito ay tatlong taong proyekto ng DA-National Rice Program na pinopondohan ng DA- Bureau of Agricultural Research (BAR) na naglalayong bumuo ng pamantayang gabay sa paggamit ng drones sa rice production sa bansa. Sa pangunguna ng mga eksperto tulad nina Engr. Carlito Balingbing, Joseph Sandro, Arnel Rala, at Neale Marvin Paguirigan, inaasahang mas mapapalawak pa ang kaalaman ng mga kalahok sa paggamit ng drones bilang makabagong kasangkapan sa agrikultura. Sa huli, binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga magsasaka, mananaliksik, at mga developer ng teknolohiya upang maisulong ang isang mas matatag at produktibong sektor ng agrikultura.
(Isinulat ni: Bettina Andrea B. Bordon Mga kuhang larawan ni: Angela Mae P.
