“Dahil po sa pagtatanim ng gulay, halos milyon na po ang kinita namin”. Ito ang pahayag ni Gemma Catangui, magsasaka ng gulay, mula sa Brgy. Niño Jesus, Iriga City.
Mahigit 20 taong nagma-mais ang mag asawang Gemma at Joel Catangui mula sa bayan ng Iriga, CamSur. Subalit, noong 2021, sumubok silang magtanim ng talong sa 2,500 metro kuwadradong lupa ng kanilang sakahan.
Hindi nila inakala na dito magsisimula ang malaking pagbabago sa kanilang kabuhayan.
Maganda ang ani at malaki ang kita. Kung kaya pinalawak nila ang kanilang taniman ng gulay. Bukod sa talong, sinubukan na din nila ang pagtatanim ng ampalaya, sili, papaya, kalabasa, at luya—na ipinagkasya nila sa tatlong ektaryang lupa.
Sa tulong ng Agricultural Technician, natutunan nilang gumamit ng grafted seedlings. Sa kanilang ampalaya halimbawa, patola ang ginamit na rootstock—mas matibay, mas malusog ang puno, at mas marami ang bunga.
Malaking tulong sa kanila ang mga vegetbale seeds, abono at plastic crates. mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP). Naging katuwang din nila ang Local Government Unit (LGU) ng Iriga City at mga Agricultural Technicians na palaging handang gumabay sa kanilang pagtatanim.
Ang kita nila sa bawat pagde-deliver gamit ang jeep ay umaabot sa P50,000 hanggang P80,000 at ang kabuuang kita ay pumapalo sa P30,000 hanggang P50,000, depende sa dami, klase at presyo ng gulay. Dalawang beses sa isang linggo sila umani at mag deliver ng produkto.
Napatunayan ng mag asawa na malaki ang kita sa pag tatanim ng gulay. “Kung noon marami kaming utang ngayon hindi na po kami nangungutang. Sumasali na lang kami sa mga lending upang kumuha ng insurance.” , Gemma Catangui. Ang dating iniaasa sa utang ay napalitan ng seguradong proteksyon at pinansyal na kalayaan.
Bagamat hindi nabiyayaan ng anak, itinuon ng mag-asawa ang kanilang oras at lakas sa pagsasaka. Ang bunga ng kanilang pagsisikap ay nakita sa unti-unting pagbabago ng kanilang buhay. Nakabili sila ng sarili nilang jeep na nagsisilbing sasakyan ng kanilang produkto papunta sa palengke.
Higit pa rito, nakapagbibigay sila ng kabuhayan sa siyam na trabahador na tumutulong sa kanilang sakahan—patunay na hindi lamang sarili nilang buhay ang gumiginhawa, kundi pati ng iba.
Tulad ng ibang magsasaka, hindi rin ligtas ang kanilang taniman sa mga pagsubok. Malimit silang masalanta ng bagyo, kaya bago pa man ito dumating ay inaani na nila ang mga gulay na maaari nang pitasin. Isa pa nilang kalaban ay ang fungus na sumisira sa ugat at puno ng halaman.
Sa pagnenegosyo, natuto sila mula sa karanasan. Dati, binibenta lang nila ang kanilang ani sa pakyawan, ngunit nakita nilang nalulugi sila dahil hindi umaayon ang presyo sa merkado. Kaya naman, sa tulong ng kanilang jeep, sila na mismo ang nagdadala ng kanilang produkto sa pampublikong pamilihan sa bayan ng Nabua at doon direktang ibinebenta sa mga negosyante at minsan ay nagtitinda rin sila tuwing araw ng pamamalengke. Mayroon ding mga mamimili na nagdadala ng kanilang gulay hanggang sa Naga City at probinsya ng Albay.
Mula sa kanilang karanasan, simple lamang ang mensahe ni Gemma sa kapwa nila magsasaka. “Tiyaga at sipag lang ang kailangan upang mag tagumpay.” (Vincent Emil A. Pasumbal – RAFIS 5)
