Upang mapalakas ang kakayahan ng maliliit na mga magsasaka at mangingisda sa pagkamit ng likas-kayang pag-unlad, isinusulong ng Kagawaran ng Pagsasaka ang pagsasama at pagkakaisa bilang estratehiya sa pag-angat ng sektor ng agrikultura sa buong Pilipinas.

Sa pangunguna ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, pormal nang binuksan ngayong umaga sa siyudad ng Naga ang 3rd National Cluster Summit. Dinaluhan ito ng humigit kumulang 600 clustered na mga magsasaka at mangingisda, mga kinatawan ng Kagawaran ng Pagsasaka at mga lokal na pamahalaan, organisasyong di-pampamahalaan at iba pang mga grupo na nagtataguyod ng clustering and consolidation mula sa 16 na rehiyon sa buong bansa.

Tampok sa nabanggit na aktibidad ang exhibit ng mga pangunahing produkto ng 95 clustered farmers’ cooperatives and associations (FCAs) mula sa iba’t ibang rehiyon sa Atrium ng Robinsons Naga at mga makinaryang pang-agrikultura mula sa pitong kumpanya. Ginawaran din ng parangal ang 17 mga clusters na nanalo sa 50th Gawad Saka: Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda.

Sa kanyang mensaheng ipinaabot kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary and Special Assistant for Export Development Philip C. Young, binigyang diin ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang layunin ng programa na iangat ang pag-organisa, paghahatid ng suporta at pagpapalakas sa mga magsasaka. Ito ay upang higit silang matulungan sa pag-abot ng kanilang pangarap na magtagumpay sa larangan ng agrikultura.

Nagpahayag din ng kanyang suporta sa F2C2 si dating Bise Presidente at ngayo’y alkalde ng siyudad ng Naga, Maria Leonor Robredo. Aniya, ang clustering and consolidation ay isa sa kanyang mga adbokasiya upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda. Dagdag pa niya, “Walang maliit na ambag, lahat mahalaga.” 

Sa kasalukuyan ay mayroong 1,755 clusters sa buong bansa.

Bilang bahagi ng 3rd National Cluster Summit, sasailalim ang mga kalahok sa mga talakayan at pagsasanay upang higit na mapagbuti ang pagpapatupad ng F2C2. Nakatakda rin silang bumisita sa ilang mga matagumpay na clusters sa Bicol. Magpapatuloy ang aktibidad hanggang sa ika-31 ng Hulyo ngayong taon.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5

Kuhang larawan nina: Zandra G. Abogado, Ramon C. Adversario Jr., Angela Lafuente, at Hermito Antonio T. Privaldos, DA RAFIS 5