Dalawampu’t anim (26) na rice seed growers mula sa Camarines Norte, Cam. Sur, at Masbate ang sumailalim sa Inbred Rice Seed Production and Certification Training upang matugunan ang pangangailangan sa registered rice seeds sa Bicol.
Isiinagawa ang training mula Hulyo 14 hanggang 18, 2025 sa Del Bario Agri Learning Center, Daet, Camarines Norte.
Layon ng pagsasanay na ito na palakasin ang kapasidad ng mga seed growers sa rehiyon upang matugunan ang pangangailangan para sa certified rice seeds sa Bicol. Bahagi ito ng suporta sa Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) ng PhilRice, kung saan namamahagi ng mga inbred rice seeds sa mga magsasakang hindi nagtatanim ng hybrid rice varieties.
Tinalakay ng PhilRice Bicol sa mga kalahok ang iba’t ibang katangian ng mga inbred rice varieties, pati na rin ang wastong pamamaraan ng pag-aani, pagproseso, at pag-iimbak ng mga punla. Samantala, ipinaliwanag naman ng National Seed Quality Control Services (NSQCS) ang proseso ng seed testing at accreditation bilang lisensyadong seed grower.
Bilang bahagi ng practicum, bumisita rin ang mga kalahok sa isang sakahan ng seed grower upang makita ang mga kinakailangang kagamitan at pasilidad na naaayon sa pamantayan ng seed certification. Ipinakilala rin sa kanila ang ilang mobile at web-based applications na makatutulong sa kanilang operasyon bilang mga seed growers.
Pinangunahan ang pagsasanay ng Bureau of Plant Industry (BPI) katuwang ang NSQCS, PhilRice, at ang Department of Agriculture Regional Field Office 5 (Vincent Emil Pasumbal DA-RFO 5).
