Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pagkalat ng mga sakit sa industriya ng babuyan, matagumpay na sinimulan ang Swine Disease Detection and Management Training and Workshop na dinaluhan ng mga magsasaka, livestock agricultural technicians, at mga kinatawan mula sa sektor ng agrikultura at beterinaryo sa probinsya ng Albay.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng tanggapan ng DA Regional Technical Director for Research and Regulations (DA-RTDRR) katuwang ang Philippine Rural Development Project (PRDP) Bicol at Bureau of Animal Industry – National African Swine Fever Prevention and Control Program (BAI-NASFPCP). Ginanap ang nasabing aktibidad ng Oktubre 14-16, 2025.

Layunin ng training na palakasin ang kakayahan ng mga stakeholders sa agrikultura sa maagang pagtukoy ng mga sakit sa baboy gaya ng African Swine Fever (ASF), hog cholera, at iba pang sakit na maaaring magdulot ng malaking pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Tinalakay sa nasabing training ang maagang pagtukoy at pag-uulat ng mga karaniwang sakit ng baboy gaya ng African Swine Fever (ASF), hog cholera, at iba pa; tamang paghawak at pagsusuri ng mga kaso ng sakit sa baboy; mga modernong pamamaraan sa laboratory diagnostics; mga estratehiya sa pagpapatupad ng biosecurity measures sa mga babuyan; praktikal na sesyon ukol sa on-site disease detection tools at disinfection protocols.

Ayon kay Dr. Rona P. Bernales, Veterinarian IV sa DA RFO 5, ang pagpapalakas ng biosecurity practices ay susi upang mapigilan ang pagkalat ng mga sakit sa mga alagang baboy. “Mahalaga ang ganitong pagsasanay upang maiwasan natin ang pagkalat ng sakit sa mga alagang baboy, at mapanatiling ligtas ang ating industriya ng livestock.” dagdag pa niya.

Kabilang sa nasabing aktibidad ang pagsagawa ng aktwal na demonstrasyon ng tamang pagkuha ng sample para sa laboratory testing, pagdisinfect ng mga gamit sa babuyan, at wastong paggamit ng mga personal protective equipment (PPE).

Nakatakdang isagawa ang kaparehong training sa iba pang probinsya sa rehiyon upang mas mapalawak ang kaalaman at kasanayan sa preventive measures laban sa mga sakit ng baboy.

Kabilang sa mga naging tagapagsalita ang mga kinatawan mula sa BAI NASFPCP na sina Dr. Princess Sherina Cunanan, Mr. John Matthew B. The, Mr. Jomar Bucatcat, at Dr. Aleli Marasigan ng FAO, gayundin sina Dr. Jomar Azada at Ms. Suzette Dela Rama mula sa DA RFO 5. (Shaira Enimedez – PRDP InfoAce Unit)