GIGMOTO AT VIGA, CATANDUANES — Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program ng apat na araw na technical field mission sa mga bayan ng Gigmoto at Viga noong Marso 10 hanggang 13, 2026.
Nakatuon ang misyon sa Brgy. Biong (Gigmoto) at Brgy. Asuncion (Viga) upang ilatag ang mga target ng programa para sa taong 2026 sa pangunguna ng Regional AMIA Technical Team, katuwang ang Provincial Agriculture Office at mga lokal na pamahalaan.
Sentro ng aktibidad ang paggamit ng agricultural drone technology para sa tumpak na mapping ng mga sakahan at ang pamamahagi ng localized Climate Information Services (CIS). Ang mga kagamitang ito ay naglalayong bigyan ang mga magsasaka ng mas malalim na pag-unawa sa mga panganib na dulot ng panahon sa kanilang partikular na lugar.
“Sa tulong ng AMIA, mas nauunawaan na namin ang mga panganib sa aming mga sakahan gamit ang drone mapping at CIS. Mas handa na kaming magplano at protektahan ang aming kabuhayan mula sa pabago-bagong panahon,” pahayag ng mga Pangulo ng Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) sa Gigmoto at Viga.
Isinagawa din ang Participatory Rural Appraisal at Baseline Profiling at pag-update sa datos ng mga indibidwal na benepisyaryo at mga kooperatiba.
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga hazard maps at uri ng klima sa bawat AMIA Village, layon ng DA na makabuo ng mga estratehiya na sadyang idinisenyo para sa pangangailangan ng bawat komunidad. Ang hakbang na ito ay bahagi ng pangako ng AMIA na gawing mas matatag, luntian, at masagana ang agrikultura sa Catanduanes.
