PILI, Camarines Sur —Isang daan at talong pu’t pito na mga agriculturist mula sa DA Bicol, sa DA attached agencies at Agricultural Extension Workers (AEWs) ang nagtipon-tipon sa dalawang araw na Agriculturist Summit na isinagawa ng DA Bicol noong Hunyo 10–11, 2026 sa Regional Rice Training and Convention Center.
Walang registration fee at may Continuing Professional Development (CPD) points ang mga kalahok bilang bahagi ng pagsisikap ng DA at ATI na gawing mas abot-kamay ang mga programa para sa propesyonal na pagpapaunlad ng mga agriculturist sa rehiyon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla ang mahalagang papel ng mga propesyunal sa agrikultura sa pag-angkop sa mabilis na pagbabago ng sektor. “Ang inobasyon ay hindi na lamang isang opsyon kundi isang pangangailangan,” ani Tornilla. Pinasalamatan din niya ang mga kalahok sa kanilang dedikasyon at walang sawang paglilingkod sa mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon. Hinimok din niya ang mga agriculturist na patuloy na paunlarin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pag-update ng kanilang kaalaman, pagpapahusay ng kasanayan, at pagtanggap sa mga bagong teknolohiyang makatutulong sa pagpapataas ng produktibidad at katatagan ng sektor ng agrikultura.
Ayon kay Dr. Maria Christina F. Campita, Presidente ng Philippine Association of Agriculturists (PAA) Magayon Cluster, layunin ng summit na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok, mapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang institusyon sa sektor ng agrikultura, at maisulong ang paggamit ng makabagong teknolohiya at data-driven approaches sa paghahatid ng mga serbisyong pang-ekstensyon sa mga magsasaka.
Sa unang araw ng summit, tinalakay ang iba’t ibang usapin at makabagong konsepto sa agricultural extension kabilang ang Unified Extension System (UnExSys), mga programa at proyekto ng PAA, at ang papel ng artificial intelligence sa makabagong ekstensyon.
Nagbahagi rin ang mga eksperto mula sa KE-Tex Solutions, Inc. ng mga kaalaman hinggil sa AI-enabled communication, paggamit ng chatbots at voice advisory systems, data science para sa agricultural extension, at mga decision-support tools na maaaring makatulong sa mga agricultural extension workers sa pagbibigay ng mas mabilis at mas epektibong serbisyo sa mga magsasaka. Sa ikalawang araw, tinalakay naman ang mga teknikal na paksa gaya ng validation ng Rice Crop Manager fertilizer recommendations, wastong paggamit at troubleshooting ng Rice Crop Manager, at mga lokal na inobasyon tulad ng iDetect Meat Detection Technology para sa product traceability.
Naging tampok din ang mga sesyon tungkol sa agricultural robotics at automation, gayundin ang mga usaping etikal, panlipunan, at propesyunal kaugnay ng paggamit ng artificial intelligence sa sektor ng agrikultura. (Bettina Andrea B. Bordon – DA RAFIS 5)
