Natanggap na ng Pilinio Federation of High Value Crops Growers Inc. ang mga interbensyon sa unang tranche na nagkakahalaga ng Php8.5 milyon ng I-REAP Subproject na Pilinio Taro Production, Drying and Marketing Enterprise, na pinondohan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP).
Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan at suplay sa unang tranche ang isang closed van, isang cargo truck, dalawang motorsiklo, walong hand tractor, walong mechanical weeder, at 200 sako ng organic fertilizer. Naglaan din ng isang computer set na may printer at scanner, isang laptop, at kabuuang 470,211 piraso ng taro runners para sa pagtatanim.
Pinangunahan nina DA-PRDP Bicol Deputy Project Director Dr. Mary Grace Rodriguez at I-REAP Component Head Patrocinio Collao I ang turnover ng nasabing interbensyon.
“Ang aming kahilingan ay palawakin pa natin ang proyektong ito, sapagkat ang inyong produkto ay hindi lamang makakaabot sa karaniwang merkado. Ito ay may koneksyon sa mga institutional buyers, kaya’t mas malawak ang potensyal nitong maabot at mapakinabangan”, ani ni Rodriguez.
Layunin ng proyekto na palakasin ang produksyon, pagpapatuyo, at marketing ng taro sa lugar sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang kagamitan, materyales, at suportang teknikal sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Henry Pandes, Presidente ng Pilinio Federation of High Value Crops Growers Inc., ang mga nasabing interbensyon ay inaasahang magpapataas ng produksyon ng taro at magpapahusay sa sistema ng pag-aani at pagpoproseso nito. Makakatulong din ang mga sasakyan at makinarya sa mas episyenteng paghahatid ng mga produkto sa merkado.
Ang mga benepisyaryo ng proyekto ay binubuo ng mga cluster ng federation, 323 miyembro ng samahan, at 72 taro growers sa lugar. Inaasahan na sa pamamagitan ng suportang ito ay mas mapalalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapapalawak ang merkado ng produktong taro mula sa Pilinio.
Ang Php54.6 milyon na proyektong Pilinio Taro Production, Drying and Marketing Enterprise ang kauna-unahang proyekto ng I-REAP na naaprubahan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up hindi lamang sa rehiyon ng Bicol kundi sa buong South Luzon Cluster, na nagmamarka ng mahalagang tagumpay para sa sektor ng high value crops. (Shaira Enimedez, PRDP Bicol InfoACE)
