Nakilahok ang Department of Agriculture (DA) Regional Office sa Bicol sa isinagawang Nationwide simultaneous tree planting activity na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department Environment and Natural Resources (DENR) noong Setyembre 13, 2022. Ang aktibidad ay may temang “Buhayin ang Pangangalaga sa Kalikasan.”
Magkakasabay ang ginawang pagtatanim ng mga punongkahoy sa anim na probinsiya ng Bicol na nilahukan din ng mga piling empleyado ng DA.
Sa Naga City, pinangunahan ni Dr. Mary Grace DP. Rodriguez, hepe ng Field Operations Division ang delegasyon ng DA Bicol sa tree planting activity na ginanap sa Naga View Adventist College sa barangay Panicuason. Ayon sa kanya, ang pagtutulungan ng tatlong ahensiya sa naturang tree planting ay perpektong formula para maging sustenable ito at masuportahan ang kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.
Dumalo din si Naga City Mayor Nelson S. Legacion sa naturang tree planting activity. Ayon kay Mayor, ang 108 ektaryang lupain na ipinagamit ng NVAC ay kabilang na sa 65 sites ng Forests in Our Midst Project ng syudad na kasalukuyang entry ng Naga City sa Galing Pook Award. Diumano ay aabot na sa 65 ang FOM sites sa syudad sa pakikipagtulungan sa 150 na grupo. Pinasalamatan din ni Mayor si Doktor Raymond Echavez presidente ng NVAC.
Samantala, sa probinsya ng Albay ay pinangunahan ni Governor Noel E. Rosal at Legazpi City Mayor Geraldine Rosal ang tree planting sa barangay San Francisco kasama ang DILG, DA, DENR, PNP, BJMP, Phil Army at LGUs.
Nagsagawa din ng sabayang pagtatanim sa Ocampo, Cabusao, at Goa Camarines Sur; Basud, Camarines Norte; Panganiban, Catanduanes; Milagros, Masbate at Castilla, Sorsogon kung saan ang DA Bicol ay nakapagtanim ng 300 na puno ng pili mula sa High Value Crops Development Program. (Lovella P. Guarin)