Alinsunod sa prayoridad na modernisasyon ng Kagawaran ng Pagsasaka gamit ang mga makabagong makinarya at teknolohiya, namahagi ang DA-Bicol ng makinaryang pangsaka na nagkakahalaga ng aabot sa P31.73 milyong piso noong ika-8, 9 at 13 ng Setyembre, 2022 sa Pili, Camarines Sur.
Pinangunahan ni DA-Bicol Regional Executive Director Rodel Tornilla ang pamimigay ng mga makinarya na may kabuuang halaga na P24.73 milyong piso mula sa Rice program sa apat na grupo ng mga magsasaka sa Camarines Norte at siyam na mga asosasyon at kooperatiba sa Camarines Sur. Kabilang sa mga makinaryang pangsaka na ipinamahagi ang tatlong four-wheel drive tractor para sa Maulawin Small Water Irrigation System Association ng Sta. Elena, Camarines Norte, Sagrada Capwa Farmers Association ng Minalabac at Sagrada Pili Camarines Sur Farmers Association ng Pili, Camarines Sur. Kabilang din sa pinamigay ng Kagawaran ang tatlong combine harvester para sa Camarines Norte Seed Growers Multipurpose Cooperative (CANSEGMUPCO) ng Basud, Camarines Norte, Uson Producers Association Inc. ng Libmanan at San Vicente Agrarian Reform Beneficiaries ng Buhi, Camarines Sur. Tumanggap naman ng isang precision planter o seeder ang CamSur Multi-Purpose Cooperative ng Pili, Camarines Sur at dalawang walk-behind type transplanter ang Talisayon Multi-Purpose Cooperative at Camarines Norte Development Cooperative ng Talisay at Daet, Camarines Norte. Nabigyan naman ng hauling truck ang St. Michael Farmers Organization ng Pamplona, Calabanga Organic Producers Cooperative ng Calabanga, Magarao Multipurpose Cooperative ng Magarao, at Antipolo Multipurpose Cooperative ng Minalabac, Camarines Sur.
“Ito ay isang strategy natin para mapababa po natin ‘yung ating cost of production. Ang ating ini-estimate ay sa bawat pagbaba ng cost of production, yan po ay karagdagang kita sa bawat magsasaka ng palay dito sa Bicol,” paglalahad ni Earl Vincent P. Vegas, DA-Bicol Regional Rice Focal Person.
Dagdag pa rito, namahagi rin ang Corn at Cassava program ng isang four-wheel drive tractor for corn sa Pioduran Corn Cluster Association ng Pioduran, Albay at isang four-wheel drive tractor for cassava sa Isarog Corn Planters Association Inc. ng Pili, Camarines Sur na may kabuuang halaga na aabot sa P7 milyong piso. Ang Isarog Corn Planters Association Inc. ay aktibong katuwang din ng Kagawaran sa operasyon ng isang Louisiana State University (LSU)-type recirculating mechanical dryer sa Brgy. Cadlan Pili, Camarines Sur na iginawad ng DA-Bicol sa lokal na pamahalaan noong nakaraang taon.
Labis naman ang pasasalamat ng mga magsasakang tumanggap ng mga makinaryang pangsaka mula sa Kagawaran. Anila, malaking tulong ito upang mabawasan ang kanilang gastos sa labor. Sa pamamagitan diumano ng mga nasabing makinarya ay inaasahang mapapabilis at mapapataas ang kanilang produksyon pati na rin ang kanilang kita.
“Before po noon na wala kaming harvester, talagang napakahirap po sa lugar namin sa panahon ng pag-ani dahil sa amin po sabay-sabayang nagtatanim at sabay-sabayan ring nag-aani. Ngayon po, nabigyan kami ng bagong combine harvester ng Department of Agriculture. Isa pong malaking bagay ito para sa amin. Masosolusyunan na po ang problema namin sa panahon ng pag-aani lalo na po ngayon na ang panahon ay hindi natin makita kung ano ang sitwasyon ng panahon,” pasasalamat ni Gil N. Del Barrio, presidente ng CANSEGMUPCO.
Paglalahad naman ni Leonardo R. Hernandez, chairperson ng Talisayon Multi-Purpose Cooperative, “Sa ngayon malaki talaga ang gastos ng mga magsasaka kasi ang bayad sa pagtatanim ng palay, P450 ang maghapon. Sa isang ektarya, mangangailangan ng maraming tao… Sa ngalan ng aking grupo, ang Talisayon Multi-Purpose Cooperative, natutuwa kami dahil nagkaroon kami ng katulad nitong (makinarya) na ipinagkaloob ng DA Region V. Malaking bagay ito sa aming mga magsasaka na mahihirap lalo na ‘yung mga walang pambayad sa kanilang labor at makakatulong na ito para (magkaroon) sila ng maraming ani dahil nakatipid sila sa labor, sa kanilang ginagastusan.”
Samantala, binigyang-diin naman ni Engr. Luisito Baltazar, hepe ng DA-Bicol Regional Agricultural Engineering Division (RAED) Program and Project Management Section, ang mga gabay sa sustenableng paggamit ng makinarya sa sakahan partikular na ang mga haligi ng sustenableng pagma-makinarya. Kabilang na rito ang kalikasan o “environment” ng makinarya, pagkapantay-pantay o “equity” ng benepisyo at ekonomiya o “economics” ng operasyon.
“Ganoon din po dapat ay pantay-pantay ‘yung maging benepisyo nung paggamit ng ating mga makinarya. Kung hindi naman gagamitin ng ating mga miyembro, puwede po natin yan ipa-renta sa ating mga katabing mga magsasaka sa mas mababang halaga. Meron na po tayong capital, ito na po ‘yung makinarya na yan. Puwede niyo po yang parentahan at yung magiging kita nito siyempre dapat iipunin niyo ‘yun para sa operation and maintenance, sa krudo at ‘yung sobra, ‘yun po ang iipunin ninyo para makalipas ang ilang taon, makakabili po kayo ng bago.” (Annielyn L. Baleza, DA RAFIS V)