Sabay sabay ang ginawang pamimigay ng DA Bicol ng P5,000 Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) sa mga magsasaka ng palay sa apat na probinsya ng Bicol.
Nagsimula ang pamimigay ng RFFA cash assistance noong lunes October 10, 2022 sa apat na probinsya ng Camarines Norte, Albay, Catanduanes at Sorsogon. Sa kabuuan, ay 125,563 na magsasaka ng palay na rehistrado sa RSBSA at may hindi hihigit sa dalawang ektarya ang mabibigyan ng aabot sa P646.6 milyong pisong halaga ng RFFA cash assistance.Sa probinsya ng Albay, 30,307 rice farmers ang mabibigyan total na P156 million pisong kabuuang halaga ng RFFA. Sa Camarines Norte naman ay 8,431 rice farmers ang mabibigyan ng total na P43.4 milyon. Sa Catanduanes, 5,778 rice farmers ang mabibigyan ng kabuuang P29.7 milyong piso. Sa Sorsogon naman ay may 18,585 ang mabibigyan ng kabuuang P95.7 milyong piso.
Ang RFFA cash assistance ay pinondohan mula sa excess o sobra sa P10 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF galing sa tariff revenues na nakokolekta ng Pilipinas sa importasyon ng bigas sa bawat taon. Ang P10 billion RCEF fund ay binubuo taon-taon sa loob ng anim na taon simula noong mapirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tarrification Law o Republic Act 11203 noong February 14, 2019. Magpapatuloy ang RFFA hanggang 2026.Ayon kay DA Bicol Executive Director Rodel P. Tornilla, ang Kagawaran ay umaasa na makakatulong itong cash assistance sa mga magsasaka. “Maliban po sa cash assistance na ito, patuloy po ang pamamahagi ng DA Bicol ng iba’t-ibang interventions sa mga magsasaka ng palay tulad ng mga binhi ng hybrid at certified na palay, fertilizer discount voucher, at mga tulong na teknikal,” aniya.
Kasama din sa tinutulungan ng kagawaran ang mga magsasaka ng mais, high value crops at mga nag-aalaga ng hayop kaya namamahagi din ang kagawaran ng mga binhi ng mais at gulay. Namimigay din ang DA ng live animals, gamot at biologics para sa mga hayop tulad ng baboy, manok, baka, kalabaw, kambing. Sa Albay pinangunahan ni Earl Vincent Vegas, Rice Program Focal person ang pamamahagi ng RFFA cash assistance sa Legazpi Convention Center noong ika-10 ng Oktubre. Dumalo din sina Governor Noel E. Rosal, Legazpi City Mayor Geraldine Rosal.
Sa Sorsogon, naman, pinangunahan ni Adelina A. Losa, hepe ng Agribusiness and Marketing Assistance Division and pamamahagi.Sa Camarines Norte, dumalo naman si Governor Ricarte R. Padilla at Vice Governor Joseph V. Ascutia.Sa Catanduanes, dumalo sina Governor Joseph C. Cua; Congressman Eulogio R. Rodriguez, at Congressman Jose J. Teves Jr.Katulong ng DA ang Development Bank of the Philippines at USSC o Universal Storefront Services Corporation bilang service provider sa pamimigay ng RSBSA-Interventions Monitoring Card na nagsisilbi ding cash cards para sa mga susunod na ayuda ng DA. (Lovella P. Guarin)