Ang Regional Crops Protection Center (RCPC) ng DA Bicol ay nagpaparami ng mga biocontrol agents tulad ng Metarhizium Anisoplae upang maipamigay sa mga magsasaka ng palay.
Paraan ng Paggamit Metarhizium
Ihalo ang 3 pakete (300 grams bawat pakete) ng Metarhizium sa balde na may 4-5 litrong tubig. Isalin sa sprayer at punuin hangang 16 liter, ispray ito sa palayan na kinakitaan ng Rice Black Bug.
Ang Metarhizium anisopliae ay isang berdeng amag na umaatake sa Rice Black Bug o atangyang itim sa palay. Ito ay maka-kalikasan, madaling paramihin at ligtas pa sa tao at mga hayop. Madali rin itong gamitin lalo’t kasama ang ibang mga paraan para sa pagsugpo ng peste sa palay.
Paano Umatake ang Metarhizium
• Inaatake ng Metarhizium ang atangyang itim sa pamamagitan ng mga berdeng espora o spores.
• Ang mga nakahahawang spores ay sumisibol kapag nadikit sa balat ng atangyang itim.
• Ang mga spores ay bumubuo ng malaganap na maliliit na pilamento na tumutubo sa katawan ng atangyang itim na sumisigid naman sa daluyang-dugo at lumulusob sa mga butas ng katawan ng atangya.
• Lumilikha ang spores ng mga lason na pumaparalisa sa peste hanggang sa tuluyan itong mamatay.
• Ang amag (halamang-singaw) na tumutubo sa labas ng katawan ng napatay na peste ay nagpapasimula ng panibagong yugto ng impeksiyon sa ibang mga insekto.
• Ang ganitong kagila-gilalas na kawing ng reaksyon ay mabisang nagpapababa sa populasyon ng atangyang itim sa bukid.
Mga pakinabang sa paggamit ng Metarhizium
• Nagtataglay ng 2.5 trilyong dami ng spores ang isang preparasyon ng Metarhizium. Umaabot sa 25 bags ang isang preparasyon ng Metarhizium na may timbang na 200 gramo kada bag.
• Nangangailangan lamang ng 2 o 3 beses na paglalagay ng Metarhizium ang isang panahon ng taniman, sa halip na 5 hanggang 6 beses na pagbobomba ng lason na pestisidyo.
• Itinatayang P250 lamang kada ektarya ang magagastos sa paggamit ng Metarhizium kumpara sa P800-1,200 gastos sa lason na pestisidyo.
• Di-tulad ng lason na pestisidyo, ang Metarhizium ay hindi nag-iiwan nganumang latak sa pananim na nakaka-apekto sa kalusugan ng tao.
Source: www.pinoyrice.com
ANO ANG RICE BLACK BUG o RBB?
Ang RBB ay umaatake sa palayan sa halos buong yugto ng palay lalo na sa pag-uuhay ng palay hanggang sa pagpapahinog nito. Kung kaya’t ang pinaka- apektadong mga yugto ng palay ay mula pagsusuwi hanggang sa paghinog nito. Kun mga apat (4) hanggang limang RBB ang populasyon nito bawat puno ay itinuturing na “quite alarming” ang ganitong dami dahil nakapagpapababa na rin ito sa ani kahit kaunting pinsala lamang. Nakababawas ito ng ani dahil sa pagkakaroon ng mga pipis at kaunting butil sa bawat uhay.
Pwede ang panasamantalang paggamit ng insektisidyo para sa agarang pamamahala upang mapigilan ang mabilis na pagdami ng populasyon ng RBB. Ang mga insektisidyong kemikal na may “active ingredients” kagaya ng “beta cyfluthrin, carbaryl at lambda-cyhalothrin, clothianidin, ) ay pwedeng gamitin na pang-spray sa nasabing RBB. Makikita sa bote ng mga nabanggit na insektisidyo ang mga paraan kung paano ang pag-spray sa mga palayan na may RBB.
Mga karaniwang pinsala ng RBB sa palay:
1. Bansot at naninilaw o namumulang kayumanggi ang mga dahon.
2. Patay na “suwi” o “deadheart” kung saan ang suwi ay nagiging brown o kayumanggi at namamatay sa panahon ng pagsusuwi ng palay.
3. Puting uhay at nagiging pipis ang mga butil ng palay.
4. Natutuyo ang mga palay (bugburn) dahil sa sobrang pagsipsip ng maraming RBB.
Mga Natural na pamamaraan upang masugpo o maiwasan ang Rice Black Bug:
1. Magtanim ng barayting madaling anihin o early maturing.
2. Magtanim ng sabayan sa komunidad o asynchronous planting.
3. Protektahan at paramihin ang mga kaibigang insekto (beneficial insects) sa pamamagitan ng hindi basta-bastang paggamit ng lason sa palayan.
4. Magtanim ng mga namumulaklak na halaman. Ito ang magsilbing tahanan at mapagkukunan ng pagkain ng mga kaibigang insekto sa siyang aatake sa RBB.
5. Panatilihing malinis ang palayan. Alisin ang mga damo na maaring pamamahayan ng RBB.
6. Gumamit ng “light trap” upang mamonitor kung mayroong RBB sa isang palayan. Ang mga nahuling RBB ay maaring ibaon sa lupa.
7. Araruhin ang lupa pagkaani, ihalo ang mga dayami sa lupa upang masira ang kanilang pinamamahayan at pagtataguan.
8. Patubigan ang palayan upang hindi na mabuo ang mga RBB ang mga itlog.
9. Mag-alaga ng mga itik sa palayang hindi ginagamitan ng kemikal. Ang mga itik ang siyang kakain sa RBB at iba pang peste sa palayan.
10. Gumamit ng Metarhizium anisopliae kung may nakitang RBB sa bawat puno ng palay.
I report o at isumite ang mga puno ng palay na nakakitaan ng Rice Black Bug sa opisina ng Municipal o City Agriculturist o sa tanggapan ng Regional Crops Protection Center ng DA Bicol
(Sources: DA Bicol RCPC and cagayanvalley.da.gov.phbicol.da.gov.ph)