Upang isulong ang paggamit ng hybrid rice at mapataas ang produksyon ng mga magsasaka ng palay sa rehiyon, inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol ang Provincial Hybrid Rice Technology Demonstration Field Day. Ito ay isinagawa sa 114 na ektarya ng palayan sa tatlong barangay ng Danlog, Mansana at Tambangan sa bayan ng San Jose, Camarines Sur noong ika-10 ng Oktubre, taong 2022.
Aabot sa 400 na mga magsasaka ng palay mula sa nasabing bayan pati na rin sa kalapit na mga bayan ng Ocampo, Tigaon, Sagñay, Caramoan, at Goa at ilang grupo ng mga magsasaka mula sa Magarao at Bula ang dumalo sa nasabing aktibidad.
Pitong seed companies kabilang na ang Bayer Crop Science Inc., Seedworks Philippines Inc., Longping Tropical Rice Development, SL Agritech Corp., Bioseed Research Philippines Inc., Syngenta Philippines Inc., at Leads Agriventures Corp. ang nakilahok sa Provincial Hybrid Rice Technology Demonstration Field Day. Bawat isa sa kanila ay binigyan ng humigit kumulang 10 ektarya upang pagtamnan ng iba’t ibang barayti ng hybrid rice at maipakita ang resulta ng iba’t ibang teknolohiya sa pagtatanim ng palay. Maliban sa hybrid rice area, kasama din sa field tour ang 10 ektaryang Abonong Swak area. Dalawang private chemical companies din ang dumalo sa nasabing aktibidad kabilang na ang FMC Corp. at Vast AgroSolution Inc.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina DA-Bicol Regional Executive Director Rodel Tornilla, Field Operations Division Chief Dr. Mary Grace Rodriguez, at Agricultural Program Coordinating Officer Marcial Bustarga. Lumahok rin sa programa sina Mayor Jerold Peña, Vice Mayor Virgilio Panuelos, at Municipal Agriculturist Grace Santelices na nagpasalamat sa oportunidad na ibinigay ng Kagawaran para sa mga magsasaka ng palay sa kanilang bayan.
Samantala, ibinahagi rin ni Rangas Agriculture Cooperative Project In-Charge Alejandro P. Valencia ang resulta ng isinagawang techno demo batay sa survey na isinagawa sa mga magsasaka ng palay mula noong Agosto hanggang Setyembre. Ang resulta naman ng survey sa mga dumalo sa Provincial Hybrid Rice Technology Demonstration Field Day ay isa sa magiging batayan ng Kagawaran at ng lokal na pamahalaan sa pamimili at pamamahagi ng mainam na mga barayti ng hybrid rice at teknolohiyang angkop sa mga magsasaka. (Annielyn L. Baleza, DA RAFIS V)