Aabot sa 455 na magsasaka ng palay mula sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur ang tumanggap ng P5,000 ayuda mula sa Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Tigaon at Municipal Agriculture Office ngayong Sabado, ika-27 ng Agosto taong 2022.
Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) Program na naglalayong mabigyan ng direktang tulong pinansyal ang mga magsasaka ng palay na may sinasakang lupa na dalawang ektarya pababa at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Ito ay upang matulungan ang mga magsasaka na apektado ng pagbaba ng presyo ng palay sa ibang lugar at pagtaas naman ng mga presyo ng bilihin.
May 480 na benepisyaryo ang RCEF-RFFA sa bayan subalit ilan sa kanila ay hindi pa nakuha ang kanilang mga ayuda dulot ng iba’t-ibang kadahilanan. Ang RCEF-RFFA ay pinondohan mula sa sobrang taripa noong nakaraang taon kaakibat ng pagpapatupad ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law. Katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP) na siyang conduit bank sa pagbibigay ng RSBSA Interventions Monitoring Card (IMC), magpapatuloy ang pamimigay nito sa lalawigan ng Camarines Sur sa mga susunod na buwan.
Sa Sabado ay ipapamigay ang RCEF-RFFA sa mga kuwalipikado na mga magsasaka ng palay sa bayan ng Sagñay. (Annielyn L. Baleza, DA RAFIS V)